Siyempre ang Christmas past ko nung nanduon pa ako sa Pilipinas, matagal na ito. Ang gusto kong iniisip na past ay nuong maliliit pa kami ng mga kapatid ko. Nuong simple lang ang buhay: may mabuksan ka lang na maliit na regalo kung Pasko, maligaya ka na. Kahit bente singko sentimos ang bigay ng Ditse namin, tuwang tuwa na kami. Marami ng mabibili ang bente singko nuon. Diyes lang ang isang bote ng coca cola. Dalawang pan de limon, singko. Isang choconut, singko din.
At nuon, ang mga nagkaka-caroling, naka-aaliw talaga. Mga batang kapitbahay lang. Ang mga dala dala - mga pinitpit na tansan ng sarsaparilla na nakabilot sa alambre. Ayun, may patunog na sila habang bumabanat ng "jingle bells."
Ang Nanay ko nuon, tuwing Disyembre 23 nakahanda na ang mga bilot na bilot na diyes sentimos. Lahat ng mga batang nag-kaka-caroling, diyes ang bigay. Kahit pabalik balik na, bigay pa rin kami.
Pero ang mga malalaki - mga dalaga't binata at 'yung mga galing sa simbahan, siyempre malaki ang bigay. At may pakain pa. Sila 'yung kung mag-caroling e halos hatinggabi na. At naka-dyip pa kung dumating. Ang bigay sa kanila ni Nanay ay naka-sobre.
At ang simbang gabi namin nuong Christmas past ay talagang unforgettable. E, sa bayan namin sa Mandaluyong ay dalawa ang simbahan. Sa kalye pa lang papunta, para ng prusisyon sa dami ng mga magsisimba. Pagdating mo sa luob ng simbahan, wala kang mauupuan. Jampacked!
Iyan naman e mga first four days siguro. Siyempre, excited ang lahat. Tapos paunti nang paunti ang mga nagsisimba.
Nuon, exciting magsimba ng madaling araw, pero mas exciting ang labasan. Kasi bibili kami ng puto bumbong at bibingka.
Sa luob naman ng simbahan, kalahati ng misa, tulog kami ng kapatid ko. Pitong taon lang ako nuon, kaya forgivable. At saka papasok pa kami sa eskwela pagdating ng alas siyete.
Ang Christmas present ko naman ay 'yung dito sa North America. Ngayon pag nanunuod ako ng telebisyon, nadirinig ko ang sangkatutak na fund raising o mga nanghihingi ng regalo para sa mga batang mahihirap. May mga "secret santa" movement o may mga food drive. Okay ang lahat ng iyan, lalo na ang food drive, kasi lalo na ngayon, ang daming mga pamilyang below poverty line. Pero nadirinig ko rin kasi ang mga "blasts" mula sa TV - mula sa mga electronics stores, sa mga shopping channels - ng kung ano anong mga regalo.
Naiisip ko lang ang kaibhan ng Pasko nuon at Pasko ngayon. Nuon, isang baril-barilan lang ang mairegalo sa akin, ang saya saya ko na. Ngayon, sa dami ng mga laruan at gadgets sa mall, ang mga bata nag-e-expect talaga ng mga earth-shaking na regalo. Kesyo iPod, kesyo GameBoy, Blue Ray, etc, etc.
Kailangan siguro maibalik natin ang kasimplehan ng Pasko. Ngayong 2008, dahil sa global recession na nangyayari at sa giyera sa Iraq, parang gloomy ang dating ng Kapaskuhan. Bakit kaya?
Kung ang hinihintay natin ay ang Christmas Present - kung saan ang measure ng kaligayahan ay kung gaano kamahal ang regalong matatanggap o maibibigay - maaring mabigo tayo.
Subali't kung ang ating hihintayin ay ang Christmas Past - kung saan ang kaligayahan natin ay ang pagsusuot ng balabal at pagsugod sa gitna ng lamig o kaya ay snow, at pagdalo sa Misa ng Pasko - tayo ay tunay na matutuwa. Dahil ito ang tunay na Pasko. Simple. Kasing-simple ng sabsaban na pinaglagyan sa batang si Hesus!
SANA AY MAGKAROON KAYO NG NAPAKALIGAYANG PASKO.